Aralin 1

Ang Pagpili sa Malolos bilang Kabisera ng Gobyerno


Pagkaraang ideklara ang kalayaan ng Pilipinas sa Kawit,

Cavite noong 12 Hunyo 1898, itinatag ni Pangulong

Emilio Aguinaldo sa Bacoor, Cavite ang gobyernong

rebolusyonaryo noong 23 Hunyo 1898. Subalit noong 13

Agosto 1898, ikinagulat ng hukbong Pilipino na ang

inaakalang nilang kaibigan, ang mga Amerikano, ay bigla

na lamang inagaw ang Intramuros. Dahil dito, naging

banta sa gobyernong Pilipino ang mga Amerikano.



Labanan sa Maynila

13 Agosto 1898

 

Batid ng mga Espanyol ang lakas ng hukbong Amerikano kaya't nakiusap sila na magkaroon ng isang kunwa-kunwariang labanan sa Intramuros, Maynila, upang ipakita na sila’y sumuko nang marangal matapos ang isang pagkatalo. Para sa mga Espanyol, mas marangal ang sumuko sa mga Amerikano kaysa sa kanilang sinakop na mga Pilipino.

Upang maiwasan ang anumang pag-atake ng Estados

Unidos sa pamahalaang Pilipino, kinailangang lisanin ni

Aguinaldo ang Cavite papuntang Malolos, Bulacan.

Idineklara ang Malolos bilang bagong sentro ng

pamahalaan noong 22 Agosto 1898.

 

Aguinaldo

Pinili ang Malolos bilang kabisera dahil: 

 

• Maunlad ang komersyo;
• Natatagpuan ito sa mga pangunahing lansangan, ilog na gamit sa transportasyon at lalong higit sa tren;
• Malayo ito sa Maynila at sa mga barkong pandigma ng Amerika na nakadaung sa Look ng Maynila; at
• Malaya itong makakalipat sa hilagang Luzon kung sakaling sumalakay man ang mga kalaban.

 Ferrocarril

Ferrocarril

Mula sa Alfredo R. Roces (ed.),

Filipino Heritage: The Making of a Nation

(1977-1978).

 

Malolos Waterway

Malolos Waterway

Mula sa Underwood & Underwood, 1899

Pormal na inilipat ang pamahalaan sa Malolos noong 10

Setyembre 1898. Naging magiliw ang pagtanggap ng mga

taga-Malolos sa desisyon ni Aguinaldo. Maraming bahay

ang binuksan at inihanda para sa mga opisyal ng

pamahalaan. Sinikap ng pamahalaan na tugunan ang

pangangailangan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga

ahensyang itinayo sa Malolos.

 

 

Mga sundalong naghihintay

Mga sundalong naghihintay kay Aguinaldo sa Malolos sa pangunguna ni Lazaro Makapagal.

Mula sa Lopez of Balayan, Batangas Foundation.

Tinutukan ng gobyerno, halimbawa, ang edukasyong

pampubliko—ang Universidad Literaria de Filipinas at

Instituto Burgos—at ang pagsasanay sa hukbong

sandatahan sa Academia Militar. Ang mga ito ay

nagbukas noong 1898 sa kumbento ng Barasoain, ngunit

isinara noong sumiklab ang digmaang Pilipino-Amerikano

sa sumunod na taon.

Mga sundalo sa Malolos

 Mga sundalong Pilipino sa Malolos.
Mula sa Lopez of Balayan, Batangas Foundation.

Academia Militar

Ito ang unang paaralang pangmilitar ng pamahalaang Pilipino na itinatag noong 25 Oktubre 1898. Iminungkahi ni Hen. Antonio Luna ang pagtayo nito. Si Col. Manuel Sityar, dating opisyal ng hukbong Espanyol sa Maynila, ay naging direktor ng akademya. 

Dr. Joaquin Gonzales

Dr. Joaquin Gonzales

Rektor

Mula kay Toto Gonzales

 

Universidad Literaria de Filipinas

Ito ang pinakamataas na institusyong pang-edukasyon na itinatag ng pamahalaang Pilipino noong 19 Oktubre 1898 sa Malolos. Mayroon itong mga kurso sa larangan ng batas at medisina. Ilan sa mga propesor dito ay naging kongresista ng Malolos, gaya ni Dr. Joaquin Gonzalez, halal na kinatawan ng Pampanga at itinalagang unang rektor ng Unibersidad. 

Maestro Enrique Mendiola

Maestro Enrique Mendiola

Direktor

Guhit ni Teddy Pavon,

mula sa Rappler.

 

Instituto Burgos

Ito ang paaralang sekundarya ng gobyerno na itinayo sa Malolos noong 25 Oktubre 1898 sa ilalim ng Universidad Literaria de Filipinas. Bukas lamang ito sa mga lalaki. Ipinangalan ito sa paring martir na si Jose Burgos. Ang una’t huling direktor nito ay si Maestro Enrique Mendiola.

Itinayo rin ang Kongreso upang maging katuwang ni

Aguinaldo sa pamamahala ng Pilipinas. Ang napiling pook

para sa pagtitipon ng mga kongresista ay ang Simbahan
ng Parroquia de Nuestra Señora del Carmen
, ngayon ay

Simbahan ng Barasoain. Malapit-lapit ito sa napiling

Palacio Presidencial ni Aguinaldo, ang kumbento ng

Simbahan ng Inmaculada Concepción. Ang mga simbahan

ang nagsilbing tanggapan ng Pangulo at ng Kongreso dahil

sa laki nito.

 Simbahan ng Barasoain

Marso 1899. Mula sa Lopez of Balayan, Batangas Foundation.

 

Simbahan ng Barasoain

Itinatag ang simbahan, na dating

Parroquia de Nuestra Señora del Carmen,

sa isang maliit na kapilya sa Barasoain noong

31 Agosto 1859. Nagtayo ng bagong gusali

noong 1863 ngunit sa kasamaang palad,

nawasak ito ng lindol noong 1881 at noong

1884 naman ay nasunog. Noong 1885, muling

itinayo ang simbahan sa kasalukuyan niyang

kinatatayuan. Dito idinaos ang Kongreso ng

Malolos.

 Basilica ng Malolos

Kuha ni Ian Alfonso.

 

Basilica ng Malolos

Ang simbahang ito ay nagsilbing Palacio Presidencial ni Hen. Emilio Aguinaldo mula 10 Setyembre 1898 hanggang 27 Marso 1899.

Handa ka na ba para sa Gawain 1?

Gawain 1. Ang Malolos Noon


Suriing mabuti ang larawan ng estero ng Malolos noong 1899.

 

Piliin kung may basehan meron o wala wala ang mga hinuha sa ibaba.

 

1.     Walang silbi ang daanang tubig sa

Malolos noong 1899. 

2.     Noong 1899 ay mayroon nang mga tubo

at bakal na istruktura sa paligid ng ilog.



Estero ng Malolos

Malolos Waterway

Mula sa Underwood & Underwood, 1899.

Estero ng Malolos

 

3.     Malinis ang daanang tubig.

4.     Mababaw ang lebel ng tubig.



5.     Buhay ang komersyo sa ilog.



6.     May mga lumutang na basura.

Estero ng Malolos

Malolos Waterway

Mula sa Underwood & Underwood, 1899.

Handa ka na ba para sa Gawain 2?

Gawain 2. Paglipat ng Gobyerno sa Malolos

 

Sundan ang paglipat ng

Gobyerno sa mula sa

Bacoor patungong Malolos.

I-drag mula sa kanan

ang angkop na numero

ng pangyayari sa mapa.

       

 

12 Hunyo 1898 - Deklarasyon ng Kalayaan

 

23 Hunyo 1898 - Pamahalaang Rebolusyonaryo

 

13 Agosto 1898 - Labanan sa Maynila

 

22 Agosto 1898 - Bagong Kabisera ng Pilipinas

Handa ka na ba para sa Gawain 3?

Basahin ang tala ni Jose Tanjosoy Bautista (sa Ang

Malulos sa mga Dahon ng Kasaysayan ni Col. Antonio

Bautista y Santos, 1934, muling inilimbag 2000).

 

Batay sa pahayag ni Bautista, piliin kung tama (tama o may

basehan) o mali (mali o walang basehan) ang sumusunod

na hinuha.

 

1.     Inilipat ni Aguinaldo ang gobyerno sa

Malolos dahil matagal na itong naitatag na bayan.

Nagpasiya si Aguinaldo na ilipat ang kapital ng malayang bansa. Maraming bayan ang pinagpilian. Kuwento ng mga matatanda sa Malolos, nag-usap-usap ang mga makabayang maginoo, mga opisyales ng hukbo ni Torres at balangay ng ibang bayan kung paano maiayos ang Malolos para maging kapital ng bansa. Kanya-kanyang pangako ng bahay, kaban ng palay, bilang ng tagapagtanggol ang nalikom. Ang kabuuang plano ay iniharap kay Hen. Aguinaldo. Nagpasiya ito na ang Malolos ay higit na maraming katangian kaysa ibang bayan.

Balangay

ang tawag sa isang sangay ng Katipunan sa mga bayan ng isang lalawigan.

Maginoo

ang tawag sa mga nakapag-aral at nakakaangat sa lipunan noong panahon ng mga Espanyol.

Hen. Isidoro “Matanglawin” Torres

10 Abril 1866 – 5 Disyembre 1928

 

Sumapi si Hen. Torres sa Katipunan noong 1895. Inatasan siya ni Supremo Andres Bonifacio na magtatag ng sangay ng Katipunan sa Bulacan. Siya ang nanguna sa mga katipunero ng Bulacan nang sumiklab ang himagsikan noong 1896. Dahil dito nakilala siyang “Ama ng Himagsikan sa Bulacan.”

 

Tala ni Jose Tanjosoy Bautista

 

2.     Hindi gaanong magkaiba ang mga katangian ng

Malolos sa mga karatig na bayan.

3.     Isang karangalan para sa mga taga-Malolos na

mapiling kabisera ang kanilang bayan.

4.     Handang tumulong ang mga taga-Malolos sa

pangangailangan ng pamahalaang rebolusyonaryo.

5.     Hindi pinansin sa Malolos si Aguinaldo dahil

hindi naman siya tubong Bulacan.

Nagpasiya si Aguinaldo na ilipat ang kapital ng malayang bansa. Maraming bayan ang pinagpilian. Kuwento ng mga matatanda sa Malolos, nag-usap-usap ang mga makabayang maginoo, mga opisyales ng hukbo ni Torres at balangay ng ibang bayan kung paano maiayos ang Malolos para maging kapital ng bansa. Kanya-kanyang pangako ng bahay, kaban ng palay, bilang ng tagapagtanggol ang nalikom. Ang kabuuang plano ay iniharap kay Hen. Aguinaldo. Nagpasiya ito na ang Malolos ay higit na maraming katangian kaysa ibang bayan.

Balangay

ang tawag sa isang sangay ng Katipunan sa mga bayan ng isang lalawigan.

Maginoo

ang tawag sa mga nakapag-aral at nakakaangat sa lipunan noong panahon ng mga Espanyol.

Hen. Isidoro “Matanglawin” Torres

10 Abril 1866 – 5 Disyembre 1928

 

Sumapi si Hen. Torres sa Katipunan noong 1895. Inatasan siya ni Supremo Andres Bonifacio na magtatag ng sangay ng Katipunan sa Bulacan. Siya ang nanguna sa mga katipunero ng Bulacan nang sumiklab ang himagsikan noong 1896. Dahil dito nakilala siyang “Ama ng Himagsikan sa Bulacan.”

 

Mabuhay! Natapos mo na ang Aralin. Ano ang iyong nais gawin?

12 Hunyo 1898

Pagdeklara ng kalayaan sa Kawit, Cavite

 

23 Hunyo 1898

Pagtatag sa Bacoor, Cavite ng pamahalaang rebolusyonaryo

 

13 Agosto 1898

Pag-agaw ng hukbong Amerikano sa Intramuros

 

22 Agosto 1898

Pagdeklara sa Malolos, Bulacan bilang bagong kabisera ng gobyerno

 

15 Setyembre 1898

Pagbukas ng Kongreso sa Barasoain

 

19 Oktubre 1898

Pagtatag ng Universidad Literaria de

Filipinas sa Barasoain

 

25 Oktubre 1898

Pagtatag ng Instituto Burgos sa Barasoain

Pagtatag ng Academia Militar sa Barasoain

 

Timeline